Idineklara nang patay ang isang Guidance Counselor ng Capitol University (CU) Senior Highschool matapos masagasaan ng truck sa Gaabucayan Street, Barangay 22, bandang alas-7 ng umaga ngayong araw.
Batay sa ulat, kinilala ang biktima bilang si Khryztel Faustine C. Catudio, nasa hustong gulang, at umuupa sa isang boarding house sa nasabing barangay.
Hawak na ng kapulisan ang driver ng YMC Cargo Truck na si Christopher Yamit Llido, residente ng Antipolo City, probinsya ng Rizal.
Bago ito, isinalaysay ng saksing si Jun Capito na nakita pa niya ang babae na naglalakad patawid ng kalsada at biglang huminto sa gitnang bahagi, sa pag-aakalang hihinto ang malaking truck upang siya ay padaanin.
Napansin ng mga saksi na hindi napansin ng driver na may tao sa gitnang bahagi ng kalsada, dahilan upang mabangga at masagasaan niya ito.
Patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan sa insidente.











