CAGAYAN DE ORO CITY – Namatay sa atake sa puso si dating Cagayan de Oro City Mayor Pablo “Ambing” Magtajas, ngayong gabi.

Ayon kay city councilor Dr. Reuben Daba, isinugod ng kanyang pamilya sa intensive care unit (ICU) ng Cagayan de Oro Medical hospital ang dating alkalde dahil sa pananakit ng dibdib.

Bandang alas 8:30 ng gabi sa araw ng Lunes, ideneklara ng kanyang mga doktor ang kanyang pagpanaw sa edad 77.

Nakilala ang dating alkalde bilang “longest serving mayor in CdeO”.

Siya ang sumunod sa administrasyon ni dating Senate President at CdeO Mayor Aquilino Pimentel Jr na nagsilbing alkalde nitong lungsod sa taong 1980-1984.

Mula 1984 hanggang 1998 o katumbas ng 14 taon, pinakilala niya ang lungsod sa buong mundo bilang “city of golden friendship”.

Sa ilalim ng kanyang administrasyon unang na-implementa ang “curfew hours” bilang city ordinane No. 4373-94.

Naging saksi ang administrasyong Magtajas sa pagpapatalsik ng isang diktador at naranasan ang iba’t-ibang uri ng politikal harrasment.

Hindi ito naging hadlang upang mapatuloy niya ang kanyang pagserbisyo bilang ama ng lungsod hanggang taong 1998.

Bago pa pumasok sa politika si Magtajas nagsilbi siya bilang city auditor at naging matagumpay na abogado.

Kinilala ang kanyang husay bilang espesyalista ng Labor Laws.

Pebrero 1986, matapos madismantol ang Martial Law, maraming mga Cagayan-anon ang bumalik sa lungsod matapos ang mahabang taong ng pagmigrate sa US at Canada.

Dahil dito, binigyan ng dating mayor ng isang malaking “homecoming celebration” ang mga balik-bayan.

Naganap ang pinaka-unang selebrasyon taong 1987 at kinilala ang nasabing okasyon bilang “Duaw sa Kagayan”.

Ang naging “meeting place” nito ay ang bakanteng lote sa gilid ng Cagayan de Oro River.

At dahil sa matagumpay na okasyon, ideneklara ng administrasyong Magtajas ang bawat dalawang taon upang ipagdiwang ang “Duaw sa Kagayan” kung saan ang mga pamilyang pinoy mula US at Canada ay magiging pangunahing tampok sa nasabing okasyon.

Ayon sa kasaysayan, si Magtajas ang nagsilbing “brain child” sa pagpapaunlad sa konseptong gawing parke ang naturang “meeting place”.

Sa pamamagitan ng pang-arkitekturang abilidad ng pumanaw na si Roy Gaane, natapos ang “DUAW PARK” sa taong 2016 sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Oscar Moreno.

Kinilala ang nasabing lugar bilang isa sa mga historical landmark ng syudad.

Taong 1992, mas umunlad pa ang lungsod nang gawing government-owned and controlled corporation (GOCC) ang Cagayan de Oro Water District (COWD), ang pinaka-unang water district ng bansa.

Umani ng pagkilala sa opisina ng mayor ang epektibong pamamalakad ng COWD sa pamumuno ni Engr. Ernesto B. San Juan.

Si Magtajas rin ang naglikha ng KUMBIRA o food festival na ginaganap sa buong buwan ng Agosto.

Hunyo 4, 1996, sa bisa ng Proclamation No.01-96, itinalaga ang Agosto 23-31 bilang “Cultural and Culinary Week in the City of Cagayan de Oro”.

Natapos ang kanyang political career sa ilalim ng partido PDP-Laban sa taong 2007.

Sa edad 66 anyos, tinalo siya ng isa pang beterano at prominenting “icon” ng “Philippine Politics” na si dating kongresista at CdeO Mayor Constantino “Tinnex” Jaraula na matanda sa kanya ng limang taon.

Matapos mabalitang patay na ang ama ng syudad, agad bumuhos ang mga pakikiramay sa social media.