CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi maipinta ang kasiyahan na naramdaman ng magkapatid na singer/composer mula sa Cagayan de Oro matapos silang mapalad na makapasok sa Top 12 finalist ng Bombo Music Festival na gaganapin sa January 11, 2020 sa Ilo-Ilo City.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Winset Rose Jacot na hindi siya makapaniwala na muli siyang makapasok bilang finalist sa prestihiyosong patimpalak lalong lalo na naging finalist rin siya ngayong 2019.

Napili si Winset mula sa mahigit 700 na mga entries na ipinasailalim ng screening committee ng 3rd Bombo Music Festival o BMF 2020 dahil sa kanyang piyesang may pamagat na ‘Kung Mahal Mo Siya’.

Sinabi naman ng kaniyang kapatid na si Kieza Jacot-Velez na nagmula sa kaniyang personal na karanasan ang naging inspirasyon ng kaniyang awit na ‘Okay Na Tayo’.

Aniya, isang hugot song ang kaniyang composisyon na magbigay inspirasyon sa lahat ng mga taong mayroong matamis at mapait na karanasan sa pag-ibig.