CAGAYAN DE ORO CITY – Nagdadalamhati ngayon ang pamilya at mga kasamahan sa trabaho ni Bukidnon Provincial Election Supervisor Atty. Stalin Baguio.

Ito’y matapos maaksidente si Atty Baguio na naging dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay sa Patag, Barangay Bagontaas, Valencia City Bukidnon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Valencia City Police director Lt. Col. Surki Serenias na binabaybay nang minamanehong Toyota Fortuner ni Atty Baguio ang national highway ng biglang mahulog ang malaking bato mula sa kanyang nakasalubong na dumptruck.

Tumama ang bato sa windshield ng sasakyan at tumama rin ito sa ulo ni Atty Baguio.

Naisugod pa sa hospital ang abogado at ang kasama nitong si Lee Marvin Rapirap ngunit hindi na naisalba ng mga doktor ang buhay nito.

Nasa ligtas naman na kalagayan si Rapirap matapos marapatan ng lunas ng mga doktor.