Dapat matuto ang mga mambabatas mula sa pagbibigay ng confidential funds (CFs) sa mga ahensyang sibilyan tulad ng Department of Education at Office of the Vice President, lalo na sa gitna ng kasalukuyang impeachment.
Ito ang pananaw ni Atty. Oscar Moreno, isang propesor ng abogasya sa Ateneo de Cagayan College of Law sa lungsod.
Ayon kay Moreno, dahil ang pag-apruba sa pagbibigay ng CFs sa DepEd at OVP ay nagmula sa Kongreso, upang maiwasan ang pagwaldas ng pondo mula sa mga accountable officials tulad ni Vice President Sara Duterte, nararapat na sila mismo ang magputol nito.
Idiniin ni Moreno na lubhang mahirap tiyakin at itatag ang isyu ng accountability kapag confidential funds ang pinag-uusapan.
Ipinaliwanag niya na bagama’t nakasalalay ito sa prinsipyo ng pananagutan sa patutunguhan ng pondo, nananatiling misteryoso at mahirap subaybayan ang paraan ng paggamit ng naturang pondo sa ngalan na ito ay “confidential in nature” o sensitibong impormasyon.
Idinagdag din ng propesor na kahit hindi ito ang sentral na isyu sa impeachment, umaasa pa rin siya sa pagbabago o reporma sa pamamahala nito.
Ginawa ni Moreno ang pahayag na ito dahil sa nalalapit na deliberasyon sa badyet ng gobyerno para sa fiscal year 2027, na siyang magsisilbing nilalaman ng National Expenditure Program o NEP ng 2027.











