Kaugnay ng tumataas na insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan mapa-shooting man o stabbing incident, lubos na hinimok ng Department of Education (DepEd) Cagayan de Oro ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak.
Ipinahayag ni Learner Rights and Protection Focal Person Alvic Marie Francisco na malaki ang epekto ng mga violent content sa social media sa pag-iisip ng kabataan at kinakailangang turuan sila ng paglutas ng away sa pamamagitan ng maayos na usapan.
Bukod dito, nanawagan ang tanggapan para sa bukas na komunikasyon sa tahanan upang hindi matakot magsumbong ang mga estudyante kung sila ay biktima ng bullying.
Dahil dito, ipinaalala ni Francisco na ang seguridad sa mga paaralan ay responsibilidad ng buong komunidad at hindi ng pamahalaan lamang.











