Ikinalugod ng Inday Sara Movement Philippines ang makasaysayang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara na unconstitutional ang mga idinagdag na pondo sa badyet sa mga nakaraang taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, nagpahayag si Inday Sara Movement Philippines Founder Daniel Nobleza na ang naturang hatol ay nagpapatunay sa naunang inilabas na pahayag ng ama at anak na sina Rodrigo Duterte at Bise Presidente Sara Duterte na mayroong anomalya at ilang tao lamang ang humahawak sa kaban ng bansa.

Dahil dito, inaasahan ng pangkat na magsisilbing matibay na pamamaraan at alituntunin ang naturang desisyon para sa tamang paglalaan ng pondo ng gobyerno.

Subalit, nananatili ang kalungkutan ng grupo dahil hindi pa rin nabanggit sa hatol kung sinong mga opisyal ang kinakailangang managot sa naturang paglabag.