Pinanindigan ng PDEA Region 10 na kung nakadaong man sa bansa ang kontrobersyal na 3.5 billion pesos na shabu shipment na nabara sa Laos, tiyak na ma-i-intercept pa rin ito ng kanilang tanggapan at ng PNP.

Nilinaw ni PDEA Misamis Oriental Provincial Director Expedito Cardona Jr. na ang sunod-sunod na pagkakakumpiska sa malalaking dami ng droga sa bansa ay isang ebidensya ng mas epektibo at pinatalas na operasyon ng gobyerno.

Dugtong pa ng opisyal, hindi kailangang mangamba ang publiko dahil nagpapakita lamang ito na gumagana ang mga estratehiya at masigasig na pakikipag-ugnayan sa foreign counterparts laban sa mga sindikato.

Hamon ngayon ng tanggapan sa mga pamilya at komunidad na mag-ingat at tumulong sa pagsugpo sa droga simula sa mismong tahanan.