Pinahigpit ang inspeksyon sa lahat ng pintuan ng pampubliko at pribadong sementeryo sa Cagayan de Oro alinsunod sa inilabas na opisyal na ordinansa ng lungsod ngayong Undas.

Ibinunyag ni City Councilor Roger Abaday, Chairman ng Committee on Police, Fire, and Public Safety, na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapasok ng inuming nakalalasing, mga paputok, matutulis na kagamitan, at mga sound system sa loob ng mga sementeryo.

Ipinaliwanag ng konsehal na batay sa itinakdang alituntunin sa executive order, pinahihintulutan lamang ang pagdalaw mula alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi kung saan walang sinomang pinapayagang magpalipas ng gabi o matulog sa mga libingan.

Dahil dito, nanawagan ang tanggapan sa publiko na igalang ang patakaran upang manatiling maayos at payapa ang pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay.