Ipinagtanggol ni dating PHIVIDEC Industrial Authority Administrator Pompee La Viña ang pagkakaroon ng dollar account ni Bise Presidente Sara Duterte sa gitna ng mga akusasyon ng unexplained wealth ng mga kritiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo, iginiit ni La Viña na walang ipinagbabawal sa batas sa pagkakaroon ng dollar account, lalo na sa isang opisyal na madalas bumiyahe sa labas ng bansa tulad sa The Hague at sa gitna ng pagtaas ng halaga ng dolyar laban sa piso.
Binigyang-diin din ng dating opisyal na protektado ng batas ang mga foreign currency deposits at hindi ito basta-basta magagalaw ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Ayon kay La Viña, malinaw na motibo lamang ng mga kritiko na harangan ang posibleng pagtakbo ni Duterte sa susunod na halalan kahit pa man sa paglabag sa kasalukuyang mga batas.











