Tinutulan ng grupong August Twenty-One Movement (ATOM) ang planong pagbibigay ng red carpet welcome kay United States President Donald Trump sa pagbisita nito dito sa Pilipinas.

Ibinunyag ng lider ng pangkat na si Volt Bohol na hindi nararapat tanggapin nang marangya ang presidente ng Amerika dahil kahalintulad ang estilo ng pamamahala nito sa dating diktadurya ni Ferdinand Marcos Senior at sa administrasyon ni dating Presidente Rodrigo Duterte.

Ipinaliwanag ni Bohol na kabilang sa binatikos ng grupo ang sinasabing panggigipit ni Trump sa mga mainstream media sa Amerika at ang pang-aapi mismo sa sariling mamamayan nito.

Dugtong pa ni Bohol na para sa isang bansang nagpabagsak ng diktadurya noong 1986, isang malaking pagkakamali kung bibigyan ng mainit na pagtanggap ang isang lider na inaakusahan ng pang-aabuso.