Kinondena ng Philippine Movement for Climate Justice Mindanao ang nakaambang pagkasira ng kalikasan at pagkaubos ng pinagkukunan ng pagkain dahil sa proyektong Pax Silica na lalamon sa 1,620 ektaryang lupain sa Capas, Tarlac.
Nilinaw ni Philippine Movement for Climate Justice Mindanao Policy and Communications Officer Pat Jared Pangantihon na ang naturang malawak na lugar na katumbas ng 24 na piraso ng Mall of Asia ay binubuo ng 33 porsyentong kagubatan at 30 porsyentong lupang pang-agrikultura.
Idinagdag ni Pangantihon na malaking pagkakamali ang pagyurak sa kalikasan at sa karapatan ng komunidad para lamang sa ipinangakong kita sa ekonomiya mula sa mga dayuhan.
Ayon sa opisyal ng grupo, walang silbi ang anumang benepisyong pinansyal kung mamamatay ang kalikasan at magugutom ang taumbayan.











