Arestado sa isinagawang drug buy-bust operation ng kapulisan ang dalawang suspek kabilang na ang isang bagong tukoy na high value individual matapos makuhanan ng mahigit 5.5 milyong pisong halaga ng hinihinalang shabu sa Barangay Natumolan, Tagoloan, Misamis Oriental.

Kinilala ang mga naaresto na sina alyas Jerson, 28 taong gulang na lalaki at itinuturing na high value individual, at alyas Maricar, 19 taong gulang na babae at street level individual na parehong residente sa naturang lugar.

Nakuha mula sa posisyon ng mga suspek sa operasyon ng Tagoloan Municipal Police Station kasama ang iba pang yunit ng kapulisan ang 53 pakete ng hinihinalang shabu na tumimbang ng 820 gramo at nagkakahalaga ng 5,576,000 piso kabilang na ang 1,000 pisong buy-bust money.

Dahil dito, pinuri ni Police Regional Office 10 Regional Director Police Brigadier General Nestor Babagay Jr. ang matagumpay na operasyon at inatasan ang kapulisan na ipagpatuloy ang mahigpit na kampanya laban sa ilegal na droga habang sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang mga suspek.