Hindi dapat makatungtong sa Pilipinas si United States President Donald Trump dahil sa dala nitong krisis sa ekonomiya at banta sa seguridad ng mga Pilipino, ayon kay Anakbayan Chairperson Ming Gomez.

Ipinahayag ni Gomez na ang mga digmaang agresyon at polisiya ni Trump sa labas ng bansa ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga pangunahing bilihin na nagpapahirap sa mga drayber at karaniwang mamamayan.

Itinuro rin ng lider ng kabataan ang mga war exercises na sinusuportahan ng Amerika sa Luzon, Visayas, at Mindanao na nagresulta sa pagkawala ng kabuhayan ng mga residente at paghuhulog ng bomba sa mga komunidad sa Negros at Mindoro.

Dugtong pa ni Gomez na ang presensya ni Trump sa gitna ng ASEAN Summit ay nagbibigay lamang ng daan sa mas matinding pagsasamantala sa yaman at mamamayan ng bansa.