Mananagot at haharap sa parusa ang mga field commander ng kepulisan kung magpapabaya at walang gagawing aksyon laban sa illegal mining sa kani-kanilang hurisdiksyon.
Ibinunyag ni Police Regional Office 10 Spokesperson Police Major Joann Navarro na inatasan ni Regional Director Police Brigadier General Nestor Babagay Junior ang lahat ng hepe ng kepulisan na sugpuin agad ang naturang ilegal na gawain sa lokal na antas pa lamang at hindi na hintaying umabot pa ang ulat sa tanggapan ng rehiyon.
Ipinaliwanag ni Navarro na walang katotohanan ang anumang paggamit sa pangalan ng kanilang pinuno dahil mahigpit na ipinagbabawal ng liderato ang pagprotekta sa mga nasa likod ng ilegal na gawain.
Tiniyak ng tagapagsalita na patuloy ang mahigpit na koordinasyon ng kepulisan kasama ang Department of Environment and Natural Resources at Mines and Geosciences Bureau upang lubos na mabura ang ilegal na pagmimina sa buong Hilagang Mindanao.











