Malaking tanong para sa isang geopolitical analyst kung bakit ipinagpipilitan sa Tarlac ang pagtatayo ng data center ng Pax Silica na makakokompromiso sa malinis na tubig at lupa ng mga katutubo imbes na sundin ang paraan ng China na doon sa disyerto o ilalim ng dagat ipinupuwesto.

Kinuwestiyon ni Geopolitical Analyst Herman Tiu Laurel ang kaalaman sa naturang plano dahil kahit ang New York City sa Amerika ay nagpatupad na ng moratorium sa mga data center matapos nitong sipsipin ang suplay ng kuryente at tubig ng mga residente.

Idinagdag ni Laurel na walang malalaking solar farm sa Central Luzon na makapagsusuplay sa malaking pangangailangan sa kuryente ng naturang pasilidad at malinaw na mapalalayas lamang ang mga magsasaka at katutubo sa kanilang sakahan.

Kinumpirma ng analista na hanggang ngayon ay wala pang kahit isang opisyal na dokumento ang inilabas sa publiko ukol sa nilalaman ng naturang kasunduan kaya nananatiling kaduda-duda ang totoong layunin nito.