Nagbabala ang progresibong grupo na Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na posibleng gamitin ng Estados Unidos at ng mga kaalyado nito ang proyektong Pax Silica upang mas palakasin pa ang presensya ng mga tropang Amerikano dito sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni BAYAN Representative Rauf Sissay na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior, malinaw ang pagdami ng mga Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sites na umabot na ngayon sa 9 mula sa dating 5 base militar lamang.
Nakita rin ni Sissay na bawat taon ay lumalaki ang bilang ng mga sundalong lumalahok sa Balikatan military exercises kung saan tila ginawa na lamang laruan at larangan ng digmaan ang teritoryo ng bansa.
Naniniwala ang progresibong alyansa na ang mga naturang aktibidad ay isang hayagang probokasyon na magpapalala lamang sa tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at China.










