Ipinanawagan ng grupong Inday Sara Movement Philippines na himay-himayin at ilabas ng Malacañang ang detalyadong kuwenta ng bilyon-bilyong pisong nagastos sa pag-host ng ASEAN Summit upang matiyak ang pananagutan sa pondo ng publiko.

Ipinahayag ni Inday Sara Movement Convenor Daniel Nobleza na kasama sa dapat ipaliwanag ng gobyerno ang dagdag na gastos sa pagtatakip ng mga plywood sa mga lugar ng informal settlers sa Parañaque City upang hindi lamang makita ng mga bisita ang totoong kalagayan ng kahirapan.

Iminungkahi ni Nobleza na mas mabuti sana kung ni-reroute na lamang ang mga sasakyan ng delegado imbes na gumastos pa sa pagtatakip sa mga kabahayan na nakapagpapababa sa dignidad ng mga mahihirap.

Binigyang-diin ng convenor ng naturang grupo na hindi magandang paraan ang pagtatago sa totoong sitwasyon ng mga Pilipino upang magpakita lamang ng magandang imahe sa mga dayuhang lider.