Pinanindigan ng progresibong grupo na Bagong Alyansang Makabayan na nalabag na ang soberanya at integridad ng teritoryo ng Pilipinas dahil sa basta-bastang pagpasok at pagtatayo ng mga pasilidad ng mga sundalong Amerikano sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay BAYAN Representative Rauf Sissay, bukod sa opisyal na EDCA site sa Lumbia Airbase dito sa Cagayan de Oro, mayroon din silang natanggap na impormasyon na nagpaplano ang Amerika na magtayo ng oil depot sa Davao Region para sa mga barko at eroplanong pandigma habang maglalagay rin ng counter-insurgency hub sa Pagadian, Zamboanga del Sur.

Nilinaw ni Sissay na ang mga naturang plano at proyekto ng militar ng dayuhan ang nagtulak sa kanilang grupo at sa kabataan sa Mindanao na mahigpit na tumutol laban sa Pax Silica.

Tiniyak ng progresibong grupo na magpapatuloy ang kanilang mga protesta sa lansangan at sa social media upang protektahan ang kalayaan ng bansa laban sa panghihimasok ng dayuhang puwersa.