Iginiit ng ekonomista na si dating Misamis Oriental Vice Governor Joey Pelaez na ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa kalikasan ang sagot upang hindi masira ang ating kapaligiran sa pagpasok ng proyektong Pax Silica imbes na harangan agad ang naturang proyekto.

Binigyang-diin ni Pelaez na mayroon nang sapat na proteksyon ang bansa tulad ng Clean Water Act, Clean Air Act, at Solid Waste Management Act na nararapat lamang sundin ng mga kompanya at ipanawagan ng mga nagprotesta na ipatupad ng gobyerno.

Ipinaliwanag ng dating opisyal na natural lamang na gumamit ng tubig at kuryente ang anumang industriya ngunit maaari itong pigilang makapinsala kung mahigpit ang pagbabantay ng mga awtoridad at taumbayan.

Ikinabahala ng ekonomista na kung magpapatuloy ang sobrang pagharang, baka umatras ang mga negosyante at lumipat patungong Vietnam o Malaysia kaya malulugi pa ang Pilipinas.