Hinamon ng ekonomista na si dating Misamis Oriental Vice Governor Joey Pelaez ang mga grupo at kabataang nagpoprotesta laban sa Pax Silica na magbasa nang mabuti at magprisinta ng alternatibong solusyon kung paano pauunlarin ang ekonomiya ng Pilipinas.
Kinuwestiyon ni Pelaez kung mayroon bang maiaalok na ibang industriya ang mga kritiko na makapagbibigay ng trabaho dito sa bansa upang hindi na mapilitan ang mga Pilipino na magtrabaho sa labas at matigil na ang sobrang pag-asa sa mga imported na produkto.
Ipinahayag ng dating bise gobernador na kinakailangan ng Pilipinas ang industriyalisasyon at pagpapamura ng kuryente upang tumaas ang produksyon sa bansa imbes na palaging bumibili na lamang mula sa abroad na nagpapalala sa mahal ng bilihin.
Hinimok ng dating opisyal ang mga nagprotesta na makipagtulungan sa paghahanap ng paraan para sa modernisasyon at kaunlaran imbes na palaging humaharang sa mga oportunidad.











