Itinuro ng Tindig Movement CDO na ang mga mahihirap at nasa laylayan ang labis na makararanas ng negatibong epekto sa basta-bastang pagpayag ng gobyerno na makapasok ang Pax Silica artificial intelligence hub sa bansa.
Ipinaliwanag ni Tindig Movement CDO Co-Founder Mikylla Louise Tolibas na hindi ang mayayamang politiko kundi ang karaniwang mamamayan ang magdurusa sa posibleng pagkawala ng lupa at kakulangan ng tubig dahil sa naturang proyekto.
Pinangambahan din ng grupo ang pagwawalang-bahala ng mga opisyal sa boses ng mga estudyante at indigenous peoples na direktang maaapektuhan sa paggamit ng natural resources ng bansa.
Hinimok ni Tolibas ang publiko na tingnan ang totoong ugat ng kahirapan na nagmumula sa korapsyon at sa pagyurak sa karapatan ng mga Pilipino imbes na tanggapin na lamang ang paghihirap.











