Iginiit ng National Union of Journalists of the Philippines Cagayan de Oro Chapter na hindi maaaring mag-move on na lamang ang publiko at ang mga miyembro ng prensa sa madugong November 23, 2009 Maguindanao Massacre.
Ipinaliwanag ni NUJP Cagayan de Oro Chapter Secretary General Cheleste Simene Jomaya matapos ang katatapos lamang na paggunita sa ika-17 taon ng naturang trahedya na 44 pa lamang na indibidwal ang nahatulan mula sa 197 na sinampahan ng kaso.
Ibinunyag ng opisyal ng grupo na mayroon pang umaabot sa hindi bababa sa 80 suspek ang nananatiling at large at malayang nakagagala hanggang ngayon.
Ikinabahala ni Jomaya na nananatiling nanganganib ang seguridad ng buong prensa sa Pilipinas habang hindi pa naaaresto ang mga naturang suspek na pumatay sa 32 mamamahayag at iba pang pribadong indibidwal.











