Nananatiling delikado ang Pilipinas para sa mga miyembro ng media kahit pa ipinagmamalaki ng estado na may kalayaan sa pamamahayag sa bansa.
Ibinunyag ni National Union of Journalists of the Philippines Vice Chairperson Kath Cortez na nakapagtala ang organisasyon ng 12 kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag sa ilalim ng administrasyon ni Presidente Ferdinand Marcos Junior sa gitna ng pangako nitong protektahan ang prensa.
Ikinabahala rin ng grupo ang katatapos lamang na pagkakaaresto sa mga mamamahayag na nag-cover lamang ng protesta sa gitna ng ASEAN Summit kung saan hindi na kinilala ng kepulisan ang kanilang mga press identification cards.
Binigyang-diin ni Cortez na ang kabiguan ng sunod-sunod na administrasyon sa pagprotekta sa media ay nagkakait sa karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan at ang daloy ng buwis ng gobyerno.











