Hindi pa rin natatanggap ng pamilya ng mga biktima ng Maguindanao Massacre ang kanilang karampatang kompensasyon mula sa gobyerno at ang civil damages matapos ang 17 taon.

Ibinunyag ng ina ni UNTV reporter Victor Nuñez na hindi pa nakuha ng mga kaanak ang hinihintay na danyos dahil iniapela pa ng kampo ng mga akusado ang kaso sa Court of Appeals.

Binigyang-diin ng ina ng biktima na may malaking obligasyon ang estado sa pagbibigay ng kompensasyon dahil mga opisyal ng gobyerno at mga pulis ang sangkot sa naturang karumal-dumal na krimen.

Ikinalulungkot ng mga kaanak na lumipas na ang ilang presidente ng bansa ngunit nananatili pa ring bigo ang administrasyon sa pagbibigay ng pinansyal na hustisya habang namamatay na ang iba pang miyembro ng mga pamilyang biktima.