I-impound na ng pamahalaan ng Cagayan de Oro at hindi ire-release ang mga motorsiklo na may maingay na tambutso hangga’t hindi ibinabalik ng may-ari ang stock muffler nito sa oras na maipasa ang inamiyendahang Traffic Code.
Pagbibigay-alam ni Roads and Traffic Administration Manager Doy Ramiro, itataas din mula 500 at 1,000 piso patungong 5,000 piso ang multa sa ilalim ng naturang panukalang batas na isinulong ni Councilor Eric Salcedo.
Ipinaliwanag ng opisyal na bibili rin ang lungsod ng decibel meter upang magkaroon ng malinaw na sukatan sa ingay at hindi makuwestiyon sa korte ang panghuhuli sa mga lumalabag.
Umaasa si Ramiro na matatapos na sa lalong madaling panahon ang naturang ordinansa upang lubos nang maipatupad ang mas mabigat na parusa.











