Muling isinulong ng National Union of Journalists of the Philippines ang pag-decriminalize sa libel at cyber libel dahil ginagamit lamang umano ito ng ilang makapangyarihang indibidwal upang patahimikin ang mga mamamahayag.
Obserbasyon ni NUJP Vice Chairperson Kath Cortez, mabilis na nagsasampa ng kaso ang mga opisyal laban sa prensa imbes na kilalanin ang papel ng media bilang fourth estate na nagbabantay sa mga katiwalian tulad ng sa mga proyekto ng gobyerno.
Ipinaliwanag ni Cortez na nais ng mga opisyal na gawin na lamang public relations firm ang mga himpilan upang pagtakpan ang mga pagkukulang sa pamamahala.
Binigyang-diin ng lider ng mga mamamahayag na hindi maaaring takpan ang mata at patahimikin ang bibig ng prensa dahil ginagarantiyahan mismo ng batas ng Pilipinas ang kalayaan sa pagpapahayag.











