Ipinaalala ni Lay Theologian Wilson C. Amad ang kahalagahan ng pagtatanggol sa bansa ngayong Bonifacio Day, araw ng paggunita sa buhay ng Ama ng Rebolusyong Pilipino at Supremo na namuno sa armadong pakikipaglaban laban sa mga mananakop na Kastila.

Ipinaliwanag ni Amad na kahit mapayapa at nakikipagdayalogo ang paraan ni Kristo, hindi dapat isantabi ang pagtatanggol sa sarili at sa teritoryo laban sa mga banta tulad ng binanggit na banta ng China.

Sinabi ng lay theologian na madali lamang apihin o maliitin ang bansa kung makikitang kulang ang kapasidad sa pagtatanggol.

Kaya naman iginiit ni Amad na kinakailangang palakasin ang depensa ng bansa kabilang na ang paghahanda sa taumbayan upang hindi na maliitin ang Pilipinas ng malalaking bansa.