CAGAYAN DE ORO CITY – Emosyonal si Barangay 30 Chairwoman Cecille Dap-og matapos ang sunog na tumama sa ilalim ng kanyang hurisdiksyon.
Nanawagan ang kapitana para sa agarang tulong at ayuda para sa mga pamilyang nasunugan at mga boarder. Inamin ni Dap-og na labis ang kanyang pagdadalamhati dahil dati, isa rin siya sa mga biktima ng sunog.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagtatala ng mga pamilya at boarder na naapektuhan sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanilang Barangay Nutrition Scholar, lalo na’t maraming indibidwal ang nagsasama-sama sa iisang bahay.
Bagama’t may mga naapektuhan na hindi residente ng lugar, tiniyak ng punong barangay na sila ay aakomodahin at bibigyan pa rin ng tulong, dahil mahalaga ang pagtutulungan sa panahon ng kagipitan.











