CAGAYAN DE ORO CITY – Kinompirma ng 4th ID,Philippine Army na dati nilang sakop ang umano’y ‘hired killer’ na nagtangkang pumatay sa retiradong pulis habang nasa kasagsagan pagbili ng mauulam ng pamilya sa Zone 7,Talipapa,Barangay Canitoan,Cagayan de Oro City.
Ito ay matapos napatay ni retired Police Senior Master Sgt Amel Petallo na dating miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Cagayan de Oro City Police Office dahil hindi pumutok ang kalibre 45 na baril na ginamit ng suspek na si ex-army member Michael Socrate na taga-Zone 4,Barangay Patag ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni City Police Director Col Aaron Mandia na nangyari pa ang ilang minuto na barilan sa pagitan ng dalawa hanggang napuruhan ang ulo ng suspek gamit ang kalibre 9mm pistol.
Sinabi ni Mandia na wala umanong ideya si Petallo kung bakit pinagtangkaan ang buhay nito kaya’y malaking pasalamat na lang umano nito na nakuha pa niya ang 9mm pistol sa nakaparada nitong sasakyan at nakipag-barilan sa suspek.
Samantala,inamin na sa Bombo Radyo ni 4th ID spokesperson Maj Francisco Garello Jr na bagamat dating miyembro nila si Socrate subalit natanggal ito sa serbisyo dahil sa kasong grave misconduct.
Tiniyak nito na kailangan man ay hindi kino-konsinti ang anumang kabulastugan na pinaggagawa ng ilang miyembro nila kaya tinanggal ng serbisyo ang suspek dahil sa mga paglabag ng mga patakaran noon sa loob ng kanilang hanay.