Hiningi ng Archdiocese of Cagayan de Oro sa mga magulang at publiko na itigil na ang pag-organisa ng mga Halloween party na nag-uudyok sa pagsuot ng mga nakatatakot na maskara at kasuotan ng demonyo.

Ibinunyag ni Archdiocesan Exorcist Fr. Jun Balsamo Jr. na ang pagpapasuot sa mga bata ng damit ng masamang espiritu ay nag-iiwan ng negatibong epekto sa kanilang subconscious level na pwedeng magbukas ng pinto sa pagpasok ng diablo sa kanilang buhay.

Ipinaliwanag ng pari na hindi demonyo ang mga yumaong mahal sa buhay, kaya mas nararapat na isagawa ang “Parade of Saints” imbes na mag-ingay at mag-party sa loob at labas ng sementeryo.

Hinimok ng simbahan ang taumbayan na ibalik ang solemnidad ng Undas sa pamamagitan ng pagsisimba at pagdarasal para sa mga kaluluwa sa purgatoryo.