Iginiit ni Ateneo de Davao University Prof. Ryan Maboloc na dapat tutukan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang pag-adjust sa interest rate at pagpapatibay sa investment climate imbes na iasa sa taumbayan ang pagbabayad sa utang ng bansa.
Ayon sa propesor, kung makahihiram nang mas madali at mababang interes ang mga negosyante, uunlad ang negosyo, darami ang trabaho, at titibay ang aktibidad sa ekonomiya ng Pilipinas.
Idinagdag pa ng guro na malaking isyu ang kakulangan sa tiwala ng publiko sa gobyerno at ang pagkakawatak-watak sa politika, kaya mahirap ipilit ang pag-ambag ng mga tao.
Binigyang-diin din ng eksperto na ang pag-aalaga sa pamilya at komunidad ang trabaho ng ordinaryong Pilipino, samantalang ang macro-level na ekonomiya ang responsibilidad ng gobyerno.











