Mararanasan sa Pilipinas ang matinding pagkadumi at kakulangan sa suplay ng tubig na nangyayari ngayon sa Indonesia kung ipagpapatuloy ang pagtatayo ng mga data center ng Pax Silica, ayon sa guro at lumad rights advocate na si Jeany Rose Hayahay.

Nilinaw ni Hayahay na sa bansang Indonesia kung saan naitayo na ang kahalintulad na proyekto, nagdurusa ang taumbayan dahil malinis na tubig ang kinukuha ng pasilidad ngunit madumi na ang ibinubuga pabalik sa paligid.

Idinagdag ng aktibista na lalala pa ito dahil sa paghuhukay sa mahigit 1,600 ektaryang lupain na mag-iiwan ng pangmatagalang pinsala sa mga pinagkukunan ng tubig sa bansa.

Ayon kay Hayahay, hindi lamang ang Luzon ang maaapektuhan nito kundi ang buong Pilipinas kabilang na ang Mindanao.