CAGAYAN DE ORO CITY – Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang suspek sa panananaksak-patay ng isang lalaki habang nakipagsayawan sa isang disco celebration sa may Purok 2, Pinatilan, Valencia City Bukidnon.

Kinilala ang namatay na si Jeshua Nieles, 20-anyos, single, isang hotel service crew at residente sa nasabing lugar.

Sinabi ni Valencia City police director Lt Col Surki Serenias sa Bombo Radyo na patuloy pa ang kanilang ginawang imbestigasyon sa motibo ng krimen ngunit malaki ang kanilang paniniwala na posibleng nainggit ang suspek sa biktima na nagresulta sa matinding pagtatalo at pananaksak.

Aniya, posibleng naggalit ang hindi pa nakilalang suspek sa biktima dahil ito ang pinili ng babaeng gusto niyang makasayaw sa disco.

Napag-alaman na nagtamo ng malaking sugat sa kaniyang tiyan si Nieles sa nangyaring pananaksak na siyang dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay.