Naniniwala ang progresibong grupo na Anakbayan na mas dapat ikahiya ng gobyerno ang sariling pamamahala nito kaysa ang mga mahihirap sa bansa na sapilitan nitong tinakpan dahil sa hiya sa gitna ng ASEAN Summit.

Ayon kay Anakbayan Chairperson Ming Gomez, isang pagkukunwari ang ginawang pagtatakip sa mga kabahayan ng urban poor sa Metro Manila upang magpakita lamang ng magandang imahe sa mga dayuhang lider habang nananatili ang korapsyon at kahirapan sa bansa.

Binatikos din ni Gomez ang depensa ng Malacañang na pagpapaganda lamang ito sa paligid matapos madiskubre ng mga manggagawa sa Liwasang Bonifacio ang mga itinapong dumi ng tao at hayop.

Para sa naturang grupo, hindi mabubura ng anumang pagtatakip ang totoong kalagayan ng hirap na kinakaharap ng mga Pilipino habang bilyon-bilyong piso ang ginastos ng gobyerno para sa naturang aktibidad.