Mahigit 20 kabahayan ang tinupok ng malaking sunog na naganap sa tapat ng barangay hall ng Barangay 30 sa lungsod ngayong umaga.
Ayon kay City District Fire Marshal Fire Superintendent Reynante Lorono, “electrical ignition” o nagsisilbing kuryente ang tinututukan ng mga imbestigador bilang posibleng sanhi ng pagkasunog ng mga bahay na matatagpuan sa Ebarle Street.
Kinumpirma ni Lorono na nagsimula ang apoy sa bahay ni Dondon Ramos at mabilis na kumalat sa katabing bahay dahil sa dikit-dikit na mga tirahan at pinalakas pa ng malakas na hangin ang pagkalat ng apoy.
Walang naitalang nasawi o nasugatan sa insidente.
Pinayuhan ng mga bombero ang publiko na laging mag-ingat sa pamamagitan ng pag-unplug ng mga kagamitan sa kuryente, pag-iwas sa paggamit ng sobrang extension wires, at pagpapa-rewire ng mga bahay na lampas na sa sampung taon.
Higit sa lahat, nagpaalala ang BFP sa mga may-ari ng bahay na mas mainam kung mayroong firewall upang hindi madaling kumalat ang apoy sa mga kapitbahay.











