Nangunguna ngayon ang lungsod ng Cagayan de Oro sa buong bansa sa pinakamaraming nai-upload na mga lokal na ordinansa at resolusyon sa ilalim ng digital na sistema na e-Legis.

Ipinagbigay-alam ni Cagayan de Oro City Vice Mayor at Vice Mayors’ League of the Philippines National Vice President for Mindanao Jocelyn “Bebot” Rodriguez na umabot na sa 14,000 dokumento ang naipasok sa naturang platform sa loob lamang ng ilang buwan matapos ilunsad ng lungsod ang kauna-unahang e-Legis caravan noong Agosto.

Ipinaliwanag ni Rodriguez na malaking tulong ito dahil napreserba sa sistema ang mga lumang batas mula pa noong taong 1945 na nasira at nawala na dahil sa katagalan, imbes na magmano-mano pa sa paghahanap nito.

Dugtong ng bise alkalde na sa oras na mabuksan na ito sa publiko, makikinabang hindi lamang ang mga mambabatas sa mga lungsod at maliliit na munisipyo kundi pati na rin ang mga estudyante at mamamayang naghahanap ng impormasyon para sa mas mabilis na serbisyo publiko.