Purong kuwento lamang at hindi kumbinsido ang grupong Artikulo Onse na makapagbibigay ng maraming trabaho sa mga Pilipino ang proyektong Pax Silica dahil sa loob ng 50 taon na pagpapalit-palit ng administrasyon sa bansa ay hindi pa rin ito nangyari.

Pinatunayan ni Artikulo Onse Convenor Leody De Guzman na nagpapatuloy pa rin ang 13 milyong walang trabaho at kulang sa kita na mga manggagawa habang umaabot sa 1 milyon bawat taon ang napipilitang mangibang-bansa upang magtrabaho.

Ipinaliwanag ni De Guzman na hanggang sa construction at pinakamababang trabaho lamang ang makukuha ng mga Pilipino sa pagtatayo ng 1,619 ektaryang pasilidad dahil itatago ng mga dayuhan ang sikreto sa paggawa ng high-tech na semiconductor at aalis din ang mga ito kapag naubos na ang mga mineral sa bansa.

Dahil sa kawalan ng programa ng gobyerno sa pagpapaunlad ng sariling industriya tulad ng nangyari noon sa Intel at Texas Instruments, hindi na umaasa ang grupo na may magandang pagbabago at totoong paglilipat ng teknolohiya na dala ang naturang proyekto.