Itinuring ng kepulisan na isang pambihira at malaking tagumpay sa kampanya laban sa illegal mining sa rehiyon ang pag-amin ng 6 na minero na naaresto sa Barangay Tuburan, Cagayan de Oro City sa kanilang pagkakasangkot sa naturang ilegal na gawain.
Nilinaw ni Police Regional Office 10 Spokesperson Police Major Joann Navarro na personal na kagustuhan ng mga akusado at walang kahit anong negosasyong nangyari nang baguhin ng mga ito ang kanilang paninindigan at umamin sa kasalanan sa harap ng korte.
Ayon kay Navarro, nagpadala ito ng malinaw na mensahe na hindi talaga makikipagkompromiso ang kepulisan at ang Mines and Geosciences Bureau sa pagpapatupad ng batas sino man ang nasa likod ng naturang ilegal na operasyon.
Nanawagan ang opisyal sa publiko na manatiling mapagbantay sapagkat nagpapatuloy pa ang pagtugis laban sa mga malalaking financier nito kabilang na ang isang Chinese national.











