Nagpaalala si Cagayan de Oro City Councilor at Committee on Police, Fire, and Public Safety Chairman Roger Abaday sa mga motorista na itigil na ang ilegal na drag racing sa lansangan dahil sa perwisyo at posibleng aksidente na dala nito sa kalsada.

Paalala ni Abaday, hindi lamang ang buhay ng mga nagkakarera ang malalagay sa peligro kundi madadamay pa ang ibang inosenteng drayber na siyang sisisihin kung mangyari ang banggaan.

Kaya naman, hiniling ng konsehal sa mga magulang na siyang manguna sa pagsaway sa mga anak na may motorsiklo upang hindi makabulabog sa mga senior citizen at may mga karamdaman.

Muli ring nanawagan si Abaday sa mga kabataan na kaawaan ang mga kapitbahay na natutulog sa gabi at iwasang makaistorbo sa komunidad.