Inihanda na ng lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro ang sistema ng water rationing at pakikipag-ugnayan sa mga water supplier at volunteer upang malutas ang posibleng kakulangan ng tubig dahil sa banta ng Super El Niño.

Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Department Chief Nick Jabagat, nakipag-ugnayan na ang tanggapan sa Cagayan Water District, South Balibago, at mga partner group tulad ng Lions, Eagles, at Falco habang tinututukan ang antas ng tubig sa Bubunawan River at watershed sa Talakag.

Dagdag pa ng hepe ng CDRRMD, may ginagawang monitoring dashboard ang tanggapan upang masubaybayan kung saang mga lugar ang wala nang pag-ulan.

Ipinagbigay-alam din ng tanggapan na nakabili na ng water filtration system, ngunit pinaalalahanan pa rin ang publiko na huwag umasa lamang sa mga fire truck para sa water rationing dahil ginagamit din ang mga ito sa pag-apula ng mga posibleng sunog.