Tututukan nang mabuti ng tanggapan ng Roads and Traffic Administration ang daloy ng trapiko sa lungsod sa pagdating ng Disyembre.
Nagpahayag si RTA Manager Doy Ramiro na kinakailangang manatiling malaya ang dalawang travel lane sa mga kalsada lalo na sa paligid ng Bulua terminal upang hindi magsikip ang daanan mula sa kanlurang bahagi ng lungsod.
Dugtong pa ng hepe ng tanggapan na may mga pagkakataong naiiwan ang mga truck sa travel lane na kung minsan ay nagiging sanhi ng trapiko.
Kaya naman paaalalahanan ng tanggapan ang mga enforcer at mga drayber sa tamang pagpapatupad ng patakaran upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng trapiko ngayong holiday season.











