CAGAYAN DE ORO CITY – Binatikos ni Tingog Partylist Representative Jude A. Acidre ang umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Department of Education (DepEd) matapos lumabas ang isyu ng paggamit ng mga dokumento mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang bahagi ng liquidation.

Sa isang eksklusibong panayam sa BOMBO RADYO, iginiit ni Acidre na malinaw ang misrepresentation at anomalya sa mga isinumiteng papeles. Aniya, tila nalinlang ang mga opisyal ng militar dahil hindi nila alam na ang kanilang inisyung sertipikasyon ay ginamit sa ibang layunin.

Dagdag pa ng mambabatas, ang ginawa ng DepEd ay sumasalamin sa kasabihang “isang kasinungalingan ang ginagamit upang pagtakpan ang isa pang kasinungalingan.” Dahil dito, muling nabubuhay ang tanong ng publiko hinggil sa kredibilidad ng mga liquidation documents na isinumite sa Office of the Secretary ng naturang kagawaran.

Binigyang-diin ni Acidre na kinakailangang maitama ang proseso at mailantad ang buong katotohanan upang masiguro ang tamang paggamit ng pondo ng bayan.