CAGAYAN DE ORO CITY – Inaresto ang isang Australian national na kinilala sa alyas na “Frank,” 59 anyos, sa Barangay Iponan sa operasyon ng Oplan Megashopper.

Nahuli siya dahil sa umano’y ilegal na pagbebenta at distribusyon ng imported automotive batteries nang walang kaukulang permit mula sa Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon sa mga awtoridad, mula China ang mga baterya at wala itong Import Commodity Clearance (ICC) stickers.

Mahigit 400 piraso ng baterya na nagkakahalaga ng P1.58 milyon ang nakumpiska sa operasyon.

Dinala ang suspek at mga ebidensiya sa CIDG CDO Field Unit para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Inihahanda na ang mga kaso laban sa kanya sa ilalim ng Consumer Act of the Philippines at RA 4109.