CAGAYAN DE ORO CITY – Nagbabala ang City Health Office (CHO) sa publiko hinggil sa haze na mula sa Indonesia na nakaaapekto sa kalidad ng hangin sa Northern Mindanao.

Ayon kay CHO Chief Dra. Rachel Dilla, dapat iwasan ang matagal na pagbibilad sa araw, magsuot ng face mask, at isara ang mga bintana at pinto ng bahay upang maiwasan ang epekto ng usok.

Batay sa monitoring ng DENR-EMB 10, nasa fair quality pa ang hangin sa Cagayan de Oro, ngunit nasa Unhealthy for Sensitive Groups na ang kalidad ng hangin sa Tagoloan, Misamis Oriental, at Iligan City.

Pinayuhan din ang publiko na manatiling hydrated at sundin ang payo ng mga eksperto laban sa particulate matter mula sa transboundary smoke.

Giit ng CHO, ang maagang pag-iingat ay makatutulong upang maiwasan ang sakit sa baga at puso. Dagdag pa nila, patuloy ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang masubaybayan ang sitwasyon.