CAGAYAN DE ORO CITY – Iginigiit ng mental health consultant na si Stella Setier-Ferrarez ang pangangailangan na repasuhin ang mga polisiya ng Department of Education (DepEd) hinggil sa paggamit ng mga cellphone at gadget sa mga paaralan.

Binigyang-diin niya na mahirap ipagbawal ang mga gadget para sa mga edad 16 pababa dahil ang mismong sistema ng edukasyon, tulad ng online classes at pagpapasa ng mga assignment, ay gumagamit nito.

Iginiit ng eksperto na kung nais protektahan ang mga kabataan mula sa masasamang epekto ng teknolohiya, kinakailangan na magsimula ang paggabay habang bata pa ang isang tao.

Nangangahulugan ito na simula pa lamang sa murang edad ay dapat iwasan ng mga magulang na ma-expose sa paggamit ng cellphone ang kanilang anak upang hindi ito makabuo ng adiksyon o pag-abuso sa paggamit nito habang tumataas ang edad.

Binigyang-diin ni Ferrarez na kinakailangan balansehin ang kapakinabangan ng teknolohiya sa pagkatuto at ang seguridad ng mental na kalagayan ng mga estudyante upang hindi ito humantong sa mga insidente tulad ng in-campus shooting sa Tacloban at Zamboanga City, at knife attack sa mga paaralan sa Luzon.

Hindi pa kasama rito ang mga estudyanteng naharang sa school entrance dahil nagdadala ng armas at iba pang hinagiban.

Idinagdag pa rito ang mga bomb threats na pinaniniwalaang pinakilos ng ilang youth gangs sa lungsod.