CAGAYAN DE ORO CITY – “Marami talagang mababangkarote,” ito ang ibinunyag ni CAFETADA President Bernie Jamaca hinggil sa posibleng epekto ng pagpasok ng mga electric vehicle o EV taxi gaya ng Green GSM sa rehiyon.
Ayon sa kanya, marami nang mga tradisyonal na taxi driver ang lilipat sa EV taxi operators dahil sa mas magandang oportunidad sa kabuhayan, lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina. Dagdag pa niya, may ilang taxi operator na napilitang magbaba ng renta sa kanilang mga unit upang mapanatili ang kanilang mga driver, ngunit patuloy pa rin ang pag-alis ng mga ito.
Bagaman kinikilala niya na maaaring makatulong ang EV taxi sa ekonomiya at sa paglikha ng trabaho, nagbabala siya na maaaring mahirapan at maapektuhan ang kabuhayan ng maraming tradisyonal na taxi operators kung walang tamang regulasyon.
Dahil dito, nanawagan si Jamaca sa lokal at pambansang pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga tradisyonal na taxi operator at driver habang isinusulong ang modernisasyon sa sektor ng transportasyon.










