CAGAYAN DE ORO CITY – Umapela ang grupong Hakbang ng Maisug sa Kongreso at Senado na busisiin ang agarang pagsuporta at pag-anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa itatayong industrial hub sa Tarlac.
Sa panayam ng Bombo Radyo, kinuwestiyon ni convenor Atty. Vic Rodriguez ang malugod na pagtanggap ng Pangulo sa proyekto dahil wala pang katiyakan na magdudulot ito ng paglago sa ekonomiya at makapagbibigay ng trabaho sa marami. Giit ng grupo, hindi pa malinaw ang mga detalye ng kasunduan.
Ayon kay Rodriguez, hindi tiyak kung may bayad o libre ang pagpasok sa naturang pasilidad at kung sino ang magkakaroon ng pangunahing kontrol dito.
Batay sa paunang impormasyon, nakatakdang i-assemble sa loob ng 620 ektaryang pasilidad ang mga semiconductor chips, artificial intelligence systems, computers, smartphones, at solar panels.











