CAGAYAN DE ORO CITY – Nanggagalaiti sa galit at sobrang kahihiyan ang nararamdaman ni Police Regional Office-10 Director Brig Gen Rolando Anduyan sa police official na nag-amok sa isang resto bar dito sa lungsod.
Tiniyak ni Anduyan na maalis sa serbisyo si Police Capt Calvin Nario,35 anyos, at nadestino sa Butuan City Police Office dahil sa ginawa nitong eskandalo sa loob ng Jakko’s Grill.
Nahaharap sa tatlong kasong kriminal ang nasabing police official na kinabibilangan ng grave threat, physical injury at act of lasciviousness.
Kung maalala, nakipag-inuman ang pulis kasama ang iba pang mga kalalakihan nang biglang hinila nito ang buhok ng isang waiter at sinuntok, naglabas din umano ng baril ang nasabing pulis kung saan makikita sa CCTV footage ang mga pinaggawa nito.
Lumabas din sa report na diumano’y isang babaeng customer ang hinarass nito sa pamamagitan ng paghawak ng kamay nang babae na walang pahintulot, pinilit na kunin ang kanyang numero ng telepono, at sinundan pa siya sa silid ng comfort room.