CAGAYAN DE ORO CITY – Duda si Ka Leody de Guzman, convenor ng Artikulo Onse, kung makakabawi pa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino lalo na’t papalapit na ang pagtatapos ng kanyang termino, matapos ang mahabang panahon na nawala ang kapangyarihan ng pamilyang Marcos sa pambansang politika.

Sa panayam sa Bombo Radyo, ipinaliwanag ni Ka Leody na kahit may natitirang dalawang taon ang administrasyon, mahirap na itong makabawi sa mamamayang Pilipino kung magpapatuloy ang kanyang mga personal na agenda.

Dagdag pa nito, kung nais ng Pangulo na matapos ang kanyang termino na may magandang reputasyon, kailangan niyang baguhin ang kanyang mga polisiya sa pamamagitan ng pag‑una sa interes ng masang Pilipino imbes na sa mga bilyonaryo, dayuhan, at mga dinastiya.

Dahil dito, hinamon ni De Guzman ang Pangulo na simulan na ang pagtanggal sa provincial rate at papanagutin ang lahat ng sangkot sa malawakang korapsyon sa bansa.